Comelec, naglabas ng instructural video para sa mga boboto sa midterm elections

Naglabas ang Commission on Elections (Comelec) ng isang instructural video sa kanilang social media platforms kung paano boboto sa araw ng halalan, May 13.

Ang national at local elections ay gaganapin mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi.

Ang unang hahanapin ng botante ay kanilang pangalan, precinct at sequence number na naka-display sa election day computerized voters list bago magtungo sa electoral board (EB).


Kapag naibigay ng EB ang official ballot, dapat suriing mabuti ng botante ang balota at tiyaking malinis ito at walang marka.

Kapag nakitaan ng sira o sulat sa balota, agad na ibalik ito sa EB at mamarkahang ‘spoiled’.

Ifi-fill up ng mga botante ang balota gamit ang special marking pen na ibibigay ng EB.

Dapat buo ang pagkaka-shade sa oval na katabi ng mga pangalan ng mga kandidatong kanilang iboboto.

Pagkatapos bumoto, dapat ilagay ang balota sa loob ng ballot secrecy folder saka dumiretso sa Vote Counting Machine (VCM) kung saan ipapasok ang mga balota.

Maglalabas ng voter’s receipt ang VCM upang matiyak na ang wastong nabasa ng makina ang mga nilalaman ng balota.

Sa datos ng Comelec, higit 61 milyong Pilipino ang inaasahang magpa-practice ng kanilang karapatang pagboto sa national at local elections.

Facebook Comments