Kinumpirma ng Commission on Elections (COMELEC) na may Plan B, C at iba pang contingency plans ang poll body kaugnay sa idinaraos na halalan ngayong araw.
Ayon kay COMELEC Acting Spokesman John Rex Laudiangco, tuloy ang botohan ngayong araw at wala silang nakikitang hadlang para mahinto ang eleksyon, ito ay bagamat may ilang mga lugar ang nagkaroon ng aberya sa pagbubukas ng botohan.
Sa Cotabato aniya, umusad na ang proseso ng halalan matapos na mag take-over ang mahigit 500 PNP Special Electoral Elections Boards matapos na umatras ang mga naka-assign ditong Board of Elections Inspection.
Ang naturang mga pulis aniya ay trained ng DOST sa pag-operate ng Vote Counting Machines. Tiniyak din ni Laudiangco na may mga naka-reserbang VCMs at ang mga planta ng kuryente ay bantay sarado ng militar at may standby generators.
Kinumpirma rin ni Laudiangco na patuloy na tumatanggap ng reklamo ang Task Force Fake News ng COMELEC.