Nagpasalamat ang Commission on Elections (Comelec) sa Korte Suprema sa pagbibigay sa kanila ng pagkakataong magsalita hinggil sa paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, gayundin ang pananaw ng poll body sa pagpapaliban nito.
Sa isang press statement, sinabi ni Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco na nagsalita si Comelec Chairman George Garcia sa oral arguments hinggil sa petisyon na humahamon sa batas na nagpapaliban sa nasabing halalan.
Pinasalamatan din ni Laudiangco ang SC justices sa pagkilala na ang Comelec ay may kakayahang maghanda at magsagawa ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Inatasan ng Korte Suprema ang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal, ang Comelec at ang Office of the President na magsumite ng kanilang memoranda sa pagpapaliban sa naturang halalan matapos ang oral arguments.
Matatandaan na naghain si Macalintal ng petisyon na humihimok sa SC na utusan ang Comelec at ang Office of the President na itigil ang pagpapatupad ng Republic Act 11935 na naglilipat ng petsa ng Barangay at SK elections sa October 2023 mula sa orihinal na schedule nito sa December 2022.
Inatasan ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang Comelec na isama sa memorandum nito ang mga posibleng petsa ng halalan sakaling maglabas ang SC ng Temporary Restraining Order sa pagpapatupad ng batas.