Isinagawa ngayon ng Commission on Elections (COMELEC) ang end-to-end demonstration ng pagboboto gamit ang automated election system (AES).
Ilan sa mga dumalong opisyal ng COMELEC ay sina Commissioner Marlon Casquejo, Director James Jimenez at Director Jeannie Flororita na siya namang nagpaliwanag ng step-by-step process ng pagboto gamit ang AES.
Mula sa pagboto sa presinto, pagbilang, pag-consolidate at pag-canvass ay ipinakita rin ng COMELEC.
Kasama rin sa nasabing demo ay kung papaano ang pag-transmit ng isang boto mula sa Municipal Board of Canvasser hanggang sa National Board of Canvasser.
Maging ang paggamit ng Vote Counting Machine (VCM) ay ipinakita rin kasabay ng pagproseo sa Central Consilidation and Canvassing System (CCS).
Nasa dalawang probinsya na may dalawang munisipalidad at lungsod at dalawang clustered precint ang ipinakitang halimbawa sa nasabing aktibidad.
Layunin ng aktibidad ay para maipakita ng COMELEC ang malaya, patas at mapagkakatiwalaan na halalan para sa national at local position.
Paraan din ito upang mawala ang agam-agam ng publiko hinggil sa integridad ng botohan kung saan sinisiguro ng COMELEC na mabibilang ang lahat ng boto sa darating na halalan.