Comelec, nagsagawa ng motorcade para i-dokumento ang mga kandidatong pasaway

Manila, Philippines – Sinimulan na ng Comelec ang pag-iikot sa mga lugar sa Maynila para matukoy ang mga kandidato na hindi sumusunod sa itinakdang patakaran sa pangangampanya.

Sa Road 10 Tondo Manila, nakita ang banner ng isang senatoriable na nakadikit sa poste sa center island.

Nasilip din ng poll body sa Moriones, Tondo ang isa pang senatoriable na inieendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte na may tarpaulin na nakasabit sa kable ng kuryente.


Naispatan din sa lugar ang tarpaulin ng isang partylist group na nasa 3×6 feet ang sukat, na sobra sa 2×3 feet na itinakda ng poll body.

Pagdating naman sa Recto Avenue, nakita rin ng Comelec ang isang partylist group na nasa tamang sukat naman ang poster pero nakakabit din sa mga poste ng street lights.

Habang sa Gonzalo Puyat Street sa Carriedo ay may senatoriable rin na nasa poste nakalagay ang poster.

Sa ngayon, hindi muna nila babaklasin ang mga posters dahil ipapaubaya na nila sa MMDA ang pagtatanggal nito.

Facebook Comments