Nagsagawa ang Commission on Elections (COMELEC) ng random ballot checking para sa mga kinatawan ng political parties, stakeholders at media sa National Printing Office (NPO) ngayong hapon.
Ito ay para mawala ang pagdududa sa integridad ng balota matapos punain ang maramihang pag-iimprenta sa mga balota nang walang mga observer.
Mahigpit ang naging proseso.
Pinapili ng Comelec ang mga political party at mga election watchdog ng sampung random packs ng printed ballots at ininspeksyon at sinuri nila ang kalidad nito at kung tiningnan kung hindi pre-shaded ang mga balota.
Ipinakita naman ni Comelec Dir. Leah Alarkon, Head ng Ballot Verification Group, ang proseso ng verification, matapos na maimprenta ang official ballots.
Ayon naman kay Comelec Commissioner George Garcia, nasa 58.8 milyong balota na ang naimprenta sa ngayon.
Nasa 67.4 milyon balota naman ang kinakailangan para sa darating na eleksyon sa Mayo.