Itinakda ng Commission on Elections (COMELEC) ang petsa ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa elective positions mula sa October 1, 2021 hanggang October 8, 2021, kasama na ang araw ng Sabado at Linggo
Ang election period naman ay magsisimula ng January 9, 2022 hanggang June 8, 2022 kung saan magiging epektibo rin ang pagpapatupad ng gun ban.
Sa nasabing period, ipinagbabawal ang pagdadala ng mga armas at deadly weapon nang walang basbas ng COMELEC.
Bawal din sa election period ang paggamit ng mga kandidato ng security o bodyguards nang walang pahintulot ng komisyon.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagbuo o pag-maintain ng reaction forces.
Kapag election period, bawal din ang pagtatag ng mga presinto sa teritoryo ng mga kandidato, gayundin ang paglilipat o movement ng officers at mga empleyado na nasa civil service at bawal din ang suspension ng elective local officials.
Ang campaign period naman para sa mga kandidato sa national positions tulad ng President, Vice-President, Senator at Party-List Groups ay mula February 8, 2022 hanggang May 7, 2022.
Habang ang campaign period para sa local elective positions tulad ng kongresista at regional, provincial, city at municipal officials ay mula March 25, 2022 hanggang May 7, 2022.
Bawal naman mangampanya ang mga kandidato sa Huwebes Santo at Biyernes Santo o sa April 14 at April 15, 2022.
Sisimulan naman ang overseas voting sa April 10, 2022 hanggang May 9, 2022, sa Philippine embassies, consulates, at iba pang diplomatic posts ng Pilipinas sa ibayong-dagat pero bawal mangampanya ang mga kandidato sa abroad sa nasabing panahon
Ang local absentee voting naman ay itinakda ng COMELEC sa April 27, 28, at 29, 2022.
Ang liquor ban ay paiiralin sa bisperas at sa mismong araw ng halalan o sa May 8, 2022 hanggang May 9, 2022, kung saan pinagbabawal ang pagbebenta at pag-inom ng mga nakakalasing na inumin.
Ipinaalala naman ng COMELEC na bawal ang pangangampanya sa gabi ng bisperas ng eleksyon hanggang sa araw ng halalan.
Bawal naman ang pamimigay at pagtanggap ng pamasahe, pagkain, pamimili ng boto at ang pagpapalabas ng ano mang propaganda pabor o laban sa isang kandidato o anumang political party sa presinto o 30 metro mula sa polling place.
Bawal din ang anumang uri ng sugal o sports.