Itinakda na ng Comelec ang petsa para sa special elections sa Southern Leyte at South Cotabato.
Hindi kasi nagkaroon ng botohan para sa pagkakongresista sa mga nasabing lugar noong May 13 dahil ang Southern Leyte ay hinati na sa dalawang legislative district noong Pebrero habang ang unang legislative district naman ng South Cotabato ay ginawang lone district ng General Santos City.
Batay sa resolusyon ng Comelec, ang halalan sa una at ikalawang distrito ng Southern Leyte at South Cotabato ay itinakda sa Oktubre 26.
Itinakda naman ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) sa Agosto 26 hanggang 28 mula 8AM hanggang 5PM.
Ang deadline naman sa paghahain ng correction sa pangalan sa balota ay sa Setyembre 11, habang ang pagpapalit ng kandidato ay hanggang Setyembre 18 habang Setyembre 16 naman kung ang kandidato ay nag-withdraw ng kandidatura nito.