Nagtatag ang Commission on Elections (COMELEC) ng mga technical hub para sa pagpapalit ng Secure Digital (SD) card at Vote Counting Machines (VCMs) na maaaring magkaroon ng aberya sa May 9 elections.
Ayon sa COMELEC, magkakaroon ng 82 hub para sa pagpapalit ng mga may sira na SD card at walong site para sa mga VCM sa buong bansa.
Bawat technical hub ay direktang pangangasiwaan at kokontrolin ng regional election director at provincial election supervisor o election officer depende sa kung saan ito matatagpuan.
Ang itinalagang poll official ay dapat magkaroon ng imbentaryo ng mga may sirang SD card habang ang COMELEC field officer ay dapat mag-account para sa tally ng mga depektong makina.
Magmumula naman sa Department of Science and Technology (DOST) at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mga personnel na mamamahala sa pagpapalit ng mga sirang SD card.
Habang ang mga COMELEC field personnel na itinalaga ng regional election director ang hahawak sa pagsasaayos ng mga VCM.
Ang mga kandidato, political parties, party-list at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) o iba pang accredited citizens’ arms ay maaaring magtalaga ng dalawang watchers sa bawat hub.