Plano ngayon ng Commission on Elections (COMELEC) na gawin muli sa mga mall ang voters registration para sa May 2022 elections.
Ito’y upang mas makahatak pa ang COMELEC ng mga nais magparehistro.
Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, ang nasabing planong pagpapa-rehistro sa mga malls ay katulad ng satellite registration kung saan gagawin ito tuwing katapusan ng linggo.
Dagdag pa ni Jimenez, paraan din ito para makumbinsi ang publiko na magpa-rehistro na’t madalas naman silang nagtutungo dito.
Sinabi pa ni Jimenez na sa kasalukuyan, ang mga satellite registration ay kanilang ginagawa sa mga palengke, opisina at recreation halls sa mga village.
Iginiit pa ni Jimenez na nagkaroon na ang COMELEC ng partnership sa iba’t-ibang mall developers para sa nasabing plano.
Matatandaan na noong nakaraang voters registration, ang satellite registration activities ay ginanap sa shopping malls at commercial centers.
Magtatapos naman ang nasabing voter’s registration sa Setyembre 30, 2021 habang ang pagpa-file ng certificate of candidacy ay sa buwan ng Oktubre.