
Nakapagtala na ang Commission on Elections (Comelec) ng 34 na insidente ng vote-buying at vote selling hanggang kaninang umaga.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, iniulat ni Comelec Commissioner Ernesto Ferdinand Maceda, mula sa naturang bilang, 23 dito ang tungkol sa pamimili ng boto, habang 11 ang umano’y gumamit ng pondo ng bayan sa pangangampanya, gayundin ang pag-abuso sa mga social welfare program ng pamahalaan.
Bago pa man anila magsimula ang kampanya ay nakatanggap na ang Comelec ng mga sumbong tulad ng raffle ng sasakyan.
Pero mas mababa pa ang bilang na ito kumpara sa naitala sa mga nakailapas na eleksyon.
Batay rin sa ulat, ang Metro Manila ang sentro ng vote buying pero hindi pa matukoy ng Comelec kung ang dahilan nito ay sadyang talamak ang bilihan at bentahan ng boto sa NCR o dahil mas alerto lang ang mga tao rito kaya maraming nagsusumbong.
Samantala, tinututukan naman ng Comelec ang iba’t ibang pamamaraan ng vote buying, tulad ng digital vote-buying at mga e-wallet transactions.
Ayon kay Maceda, patuloy ang kanilang koordinasyon na sila sa Gcash, Maya, at iba pang financial institutions patungkol sa kahina-hinalang cash transactions.