Nakipag-ugnayan na ang Commission on Elections (Comelec) sa ibat’t bang social media platform at technology firms para suportahan sila sa paglaban sa poasibleng pagkalat ng maling impormasyon bago ang 2025 midterm elections.
Ayon kay Comelec Commissioner Nelson Celis na Chairman ng Committee on Digital Transformation at Kontra Fake News, ilan sa mga tutulong sa kanila ay ang Facebook, Google, YouTube, Snapchat, TikTok, Microsoft at iba pang tech companies.
Aniya, naglatag na sila ng mga plano at patakaran kung paano labanan ang seryosong epekto ng pekeng balita sa bansa lalo na tuwing panahon ng halalan.
Kabilang sa mga ibinigay na plano ng mga tech company ay ang pagpapalawig ng kanilang resources o paglalaan ng pondo para bantayan ang publiko laban sa paglaganap ng fake news sa kani-kanilang mga platform.
Bukod sa pakikipag-usap sa mga tech company, hinihiling din ng Comelec ang partisipasyon ng mga election watchdog, IT organizations at iba pang stakeholders para labanan ang fake news.
Inatasan din si Celis na suriin ang iminungkahing pagbabawal ng artificial intelligence (AI) at deepfake technology sa 2025 elections.