Nakipag-ugnayan na ang Commission on Elections (Comelec) sa Department of the Interior and Local Government (DILG) hinggil sa isyu ng paglobo ng bilang mga botante sa ilang barangay.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, ibinigay nila sa DILG ang listahan ng mga barangay na may biglaan o pagtaas ng bilang ng botante na kanilang na-monitor.
Aniya, posibleng naabuso ang pag-iisyu ng barangay certificate para makalipat ng rehistro kung saan sinabi ni Garcia na maaaring maharap sa kasong administratibo at kriminal.
Giit ni Garcia, ang mga opisyal kasi ng barangay ang nag-certify sa mga nagparehistro pero kung mapatunayan ito na hindi totoo at mali, siguradong mahaharap sila sa kaso.
Unang bumuo ng task force ang Comelec para tutukan ang isyu ng paglobo ng mga botante sa ilang barangay kung saan hihintayin naman nila ang resulta ng ginagawang validation at hearing ng Election Registration Board (ERB).
Babala pa ng Poll Chief, hindi na makaboboto at maaaring makasuhan ang mga nagparehistro na mapapatunayang pineke ang kanilang dokumento.