Comelec, nangangailangan ng 8.2 bilyong piso para sa bagong gusali

Inihayag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia na posibleng mangailangan na ng bagong gusali ang komisyon.

Kasunod ito ng naganap na sunog sa Comelec Office sa Maynila noong Linggo kung isang bahagi ng Comelec Information Technology Department ang naapektuhan.

Bagama’t batid ni Garcia na nagtitipid ang bansa dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic ay maaaring maglaan ang Kongreso ng maliit na halaga upang simulan ang kontruskyon nito.


Tinatayang nasa P8.2 bilyon kasi ang aabuting halaga sa pagpapatayo ng bagong gusali na posibleng itayo sa tatlong ektaryang lupa na pagmamay-ari ng komisyon sa kahabaan ng Macapagal Avenue sa Pasay City.

Sakaling gawaran sila ng inisyal ng pondo para sa naturang proyekto ay may naihanda na silang disenyo para sa isang walong-palapag na gusali na magiging bagong tanggapan ng Comelec.

Ayon kay Garcia, naitalakay na rin niya ang naturang proyekto kay Budget Secretary Amenah Pangandaman ngunit kailangan munang magsumite ng request ang komisyon bago makapagsumite ang Department of Budget and Management ng panukala sa Kongreso.

Facebook Comments