COMELEC, nanindigan sa Kamara na walang paglabag sa pagkuha sa F2 Logistics para sa 2022 election

Nanindigan ang Commission on Elections (COMELEC) na legal ang pagkuha nito sa F2 Logistics para sa eleksyon 2022.

Ang F2 Logistics ay iniuugnay sa negosyanteng si Dennis Uy na “big contributor” o donor sa kandidatura ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.

Sa pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, inusisa ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga kung hindi ba isyu ang pagkaka-award sa F2 Logistics ng “delivery deal” para sa mga election equipment.


Tugon naman ni COMELEC Commissioner Marlon Casquejo, ang naturang usapin ay sumailalim na sa mabusising diskusyon ng En Banc noong nakalipas na Miyerkules.

Batay sa opinyon ng Law Department ng COMELEC, wala aniyang nakitang paglabag sa procurement rules para sa delivery ng mga gamit para sa eleksyon at naaprubahan na rin ng En Banc ang Notice of Award para sa F2 Logistics.

Facebook Comments