Welcome sa hanay ng Commission on Elections (COMELEC) ang bagong Commissioner nito na si Atty. Michael Braganza Peloton na maupo sa binakanteng puwesto ni Commissioner Luie Tito Guia na nagtapos ang termino noong February 2, 2020.
Sa naging pahayag ng COMELEC, magagamit ang kaalaman ni Peloton sa batas at information technology sa hanay ng commission en banc na magpapa-improve ng electoral process sa bansa.
Napapanahon din ang pagtatalaga kay Peloton dahil nagsisimula na ang paghahanda ng COMELEC para sa 2022 national at local elections sa gitna naman ng kinahaharap na pandemya.
Nilinaw naman ni COMELEC Spokesman James Jimenez na regular appointment ang pagpili kay Peloton kaya’t kinakailangan muna itong makumpirma ng Commission on Appointments (CA) bago siya manungkulan sa kaniyang opisina.
Sa kasalukuyan, ang COMELEC ay binubuo nina Chairman Sheriff Abas at mga Commissioner na sina Rowena Guanzon, Socorro Inting, Marlon Casquejo at Antonio Kho Jr.
Wala pa namang napipiling kapalit sa puwestong binakante ni Commissioner Al Pareño, para makumpleto na ang hanay ng mga commissioner ng kung saan alinsunod sa Section 1 ng Article 9 ng Saligang Batas, ang COMELEC bilang isang constitutional commission ay bubuuin ng isang chairman at anim na mga commissioners.