Nakitaan ng iregularidad ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga pirma ng mahigit 15,000 botante sa ginawang halalan sa Batangas noong nakaraang 2019 elections.
May kaugnayan ito sa inihaing electoral protest ni Bernadette Sabili na kumandidato sa pagka-alkalde sa Lipa City, Batangas noong 2019 elections.
Ayon kay Atty. George Garcia, abogado ni Sabili, batay sa findings ng technical experts ng Comelec hinggil sa pirma ng mahigit 15,000 botante sa 49 na presinto sa nasabing bayan ay nakita na may nangyaring iregularidad o hindi magkakaparehas ang pirma at thumbprints sa voter registration record.
Kaya naman mas kumbinsido sila ngayon na nagkaroon ng dayaan sa nakaraang halalan.
Aniya, kung pagbabasehan ito ay lilitaw na mas lamang si Sabili kaysa sa nakalaban nito na si incumbent Lipa City Mayor Eric Africa.
Sa nakaraang halalan, si Sabili ay nakakuha ng 76,511 votes habang 78,109 naman si Africa.
Sinabi pa ni Garcia na kung aalisin ang mga nakitaan ng iregularidad sa 49 na presinto, lumilitaw na may 69,719 na boto si Sabili habang 69,684 lamang si Africa.
Dahil rito, hiniling na ng kampo ni Sabili sa Comelec na itigil na ang review sa mga natitirang protested precinct.