Posibleng makapagproklama na ang Commission on Elections – National Board of Canvassers o Comelec-NBOC ng mga bagong senador ngayong linggo.
Sa ginanap na pulong balitaan sa Philippine International Convention Center (PICC) Forum Tent, sinabi ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo na posibleng sa loob ng linggong ito ay may mga maipoproklama ng bagong 12 senador.
Ito ay kung mapapanatili ang mabilis na transmission o pagpasok ng resulta ng boto sa gagawing canvassing ng NBOC.
Sinabi ni Casquejo na inaasahan na nila sa Comelec ang mabilis na transmission ng resulta ng boto dahil gumamit na sila ng bagong teknolohiya para dito.
Natuto na aniya sila sa nangyaring system glitch noong 2019 election kaya inaral nila ng husto upang hindi na maulit ito.
Tinawag pa ng Commissioner na isang “breakthrough” ang mabilis na sistema ng pagpasok ng resulta ng mga boto lalo’t inaasahan din na mahihigitan pa ng taong ito ang naging voting turnout noong mga nagdaang halalan.