Comelec, nilinaw ang silbi ng “meet-me-room” server

Nilinaw ng Comelec na hindi ang “meet-me-room” ang dahilan ng pagkaantala ng paglalabas ng resulta ng botohan nitong May 13.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, ang “meet-me-room” ay isang uri ng transmission router o gateway para mai-traffic ang data o bilang ng mga boto mula sa vote counting machine (VCM) patungong transparency server.

Aniya, wala ritong naiiwan o naiimbak na bilang ng boto dahil taga-traffic lang ito.


Sabi pa ni Jimenez, hindi rin ito hiwalay na server gaya ng sinasabi ng ilang grupo at ito ay bahagi ng local source code review.

Hindi rin aniya ito ang nasira sa pitong oras na glitch ng transparency dahil ang nagkaaberya ay ang tinatawag na FTP o file transfer protocol para maitulak ang data mula sa transparency server patungo sa koneksyon ng mga media entities.

Giit pa ni Jimenez, naipaliwanag nila ang buong konsepto ng “meet-me-room” bago pa ang ginanap na midterm elections.

Facebook Comments