
Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na hindi gagamitin sa people’s initiative para sa impeachment ng sinumang opisyal ang Voter Information Sheets (VIS).
Ito ay sa gitna ng ilang ulat na may mga botante na tumatangging pumirma ng acknowledgement o tumatanggap ng VIS dahil sa pangambang magamit ito sa signature campaign.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, kailangan kasi ng pirma ng botante sa dokumento para patunay na natanggap nito ang information sheet.
Aminado si Garcia na hamon sa kanila ang distribusyon pero mahalaga rin ito lalo na’t dito malalaman kung tama ang address na ibinigay ng mga nagparehistro.
Sa pamamagitan din aniya nito ay malalaman kung sino ang mga pwedeng kasuhan o alisin dahil hindi naman pala doon nakatira sa inilagay na address.
Kanina, isinagawa ang launching ang nationwide distribution ng VIS na pinangunahan ng mga opisyal ng Comelec.