Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na maaari silang mag-diskwalipika ng kandidato kahit walang final judgement of conviction.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, kapag ang isang indibidwal na nagpa-file ng kandidatura, mayroong ginagawang findings ang komisyon base sa nakasaad na election offenses sa Section 68.
Aniya, pwede nilang idiskwalipika kahit walang final judgement of conviction ang mga nais kumandidato bukod pa ito sa mga botante na nais magsampa ng disqualification case laban sa sinumang kakandidato.
Sinabi ni Garcia na matatapos ng Comelec ang pagdinig sa kasong diskwalipikasyon laban sa mga kandidato kahit sa division level bago ang target date para sa pag-imprenta ng balota.
Kaugnay nito, hinihikayat ng Comelec ang Kongreso na bigyang kapangyarihan ang komisyon para masuri nila o magpatupad sila ng karagdagang requirements sa lahat ng mga nais kumandidato.
Nabatid na ang pahayag ng Comelec ay kasunod ng natuklasan sa pagkatao ni Bamban Mayor Alice Guo kung saan nagsinungaling ito at nagpanggap na isang Filipino citizen sa kanyang pagtakbo noong 2022.