Nilinaw ng Commission on Elections (COMELEC) na pansamantala lamang ang hindi nito pagpapapasok ng mga witness sa kanilang warehouse sa STA. Rosa, Laguna para mag-obserba sa pag-iimprenta ng mga balota.
Matatandaang binatikos ng ilang election watchdog at mga mambabatas ang anila’y kawalan ng transparency sa pag-iimprenta ng mga balota at pagsasaayos ng Secure Digital (SD) cards na gagamitin sa halalan sa Mayo.
Paliwanag ni COMELEC Printing Committee Vice Chairperson Helen Aguila-Flores sa pagdinig ng Senado kahapon, pansamantala lamang na ipinagpaliban ang pagpapapasok ng mga observer dahil sa COVID-19 restrictions.
Dagdag pa ni Flores, pinag-aaralan na rin nila ang paglalagay ng livestream upang maipakita ang pag-iimprenta ng mga balota.
Gayunman, ibinunyag niya na 66.4% na ng mahigit 65.7 milyong mga balota ang naimprenta at 42% nito ang naipadala na para sa packing at shipping, bagay na hindi naobserbahan ng sinumang witness.
Giit naman ni Senator Koko Pimentel, hindi dapat gamiting dahilan ng COMELEC ang pandemya kaya anuman ang alert level ay dapat na maging bukas sa publiko ang mga ginagawa nito sa ngalan ng transparency.