COMELEC, nilinaw na sila ang nagbibigay ng gun ban exemption at hindi ang PNP

Nilinaw ng Commission on Elections (COMELEC) na ang pag-apply ng gun ban exemption sa panahon ng halalan ay sa pamamagitan ng COMELEC at hindi sa Philippine National Police (PNP).

Ayon kay COMELEC Commissioner Rowena Guanzon, ang aplikasyon para sa gun ban exemption ay makikita sa kanilang website at hindi ang PNP ang nagbibigay nito.

Batay sa COMELEC Resolution 10728, ipinagbabawal ang pagdadala ng baril kapag nagsimula na ang election period sa Enero 9 hanggang Hunyo 8, 2022.


Kailangan ding i-recall ang lahat ng security detail na dineploy ng Police Security and Protection Group sa mga politiko, opisyal ng pamahalaan at pribadong indibidwal.

Tanging ang mga may pahintulot lamang ng COMELEC ang bibigyan ng bantay.

Kabilang ang pangulo, bise presidente, Senate president, House speaker, Supreme Court chief justice, AFP chief of staff at major service commanders, COMELEC chairman, mga kalihim ng Department of National Defense o DND at Department of the Interior and Local Government o DILG, mga local government, at senior officers ng PNP.

Ang mga ire-recall na security detail o protection security personnel ay isasalang naman sa VIP security and protection refresher course.

Facebook Comments