Pabor ang Commission on Elections (Comelec) sa inihaing panukala na isailalim sa drug test ang lahat ng tatakbo sa 2025 midterm elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, bukas sila sa nasabing panukala ni Davao City First District Rep. Paolo Duterte.
Duda naman siya sa magiging implikasyon nito lalo na’t may desisyon na ang Supreme Court (SC) na wala sa konstitusyon ang probisyon sa Comprehensive Dangerous Drugs Act na nag-oobliga sa mga kandidato na sumalang sa drug test.
Bagama’t may desisyon ang SC, sinabi ni Garcia na nasa isang kandidato naman kung talagang gusto niya maging transparent.
Aniya, hindi pipigilan ng Comelec kung maglalagay sila ng resulta na negative sa droga sa kani-kanilang certificate of candidacy (COC) kung saan tatanggapin nila ito.
Sa ngayon, tututok muna ang Comelec sa ginagawang paghahanda sa susunod na eleksyon lalo na’t marami pa ang dapat na gawin.