Muling igniit ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia na patuloy silang tatanggap ng listahan ng mga pumirma sa People’s Initiative.
Paliwanag ni Garcia sa Kapihan sa Manila Bay media forum, tuloy-tuloy lang ang pagtanggap nila ng listahan kung saan nasa 993 na lungsod at munisipalidad ang nakapagpasa na mula sa 180 distrito sa buong bansa.
Ayon kay Garcia, hindi pa nila isinasailalim sa beripikasyon ang mga pirma lalo na’t wala pa naman inihahain na petisyon ang nagsusulong ng People’s Initiative.
Sa kabila nito, kumpiyansa si People’s Initiative for Modernization and Reform Action (PIRMA) Lead Convenor Noel Oñate na sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan ay makakakuha sila ng sapat na pirma lalo na’t hinihintay lang nila ang iba nito mula sa kanilang coordinators.
Dagdag naman ni Atty. Evaristo Gana – Legal Counsel ng PIRMA, sa oras maabot nila ang required na 3% na registered voters kada distrito at 12% naman na nationwide, agad silang maghahain ng petisyon sa COMELEC.
Sa panig naman ng COMELEC, sapat na ang dalawa hanggang tatlong buwan para dinggin ang petisyon kung saan pagtutuunan ng kanilang mga tauhan na maberipika ang bawat pirma kasabay ng pagtutok sa registration ng mga bagong botante para sa mid-term election.
Inihayag pa ni Garcia na hindi naman nila kakayanin magsagawa ng plebisito sa taong 2025 dahil magiging busy at kritikal na ang kanilang mga ginagawang paghahanda para sa nakatakdang halalan.