Nanawagan na rin ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Commission on Elections (COMELEC) na bumuo ng sarili nitong guidelines para sa mga kandidatong nais magkasa ng caravan.
Giit ni DILG Undersecretary Martin Diño, hindi naiiba ang mga political caravan sa mga community pantry na bagama’t intensyong makatulong ay posible pa ring maging superspreader event.
“Kaya nga humingi na ng pagpupulong si Secretary Año sa COMELEC dahil kailangan, magkaroon din ng guidelines ang COMELEC dahil hindi pa tayo tapos sa pandemya, meron pa ngang Omicron e,” ani Diño sa interview ng RMN Manila.
“Tapos kung natatandaan niyo ‘di ba, naging kontrobersyal si Angel Locsin dahil sa birthday niya dito sa Barangay Holy Spirit. Si Angel Locsin, birthday niya lang, gusto niyang magpakain e itong mga pulitiko, merong motibo. Nakalimutan na ba nila na meron pang pandemya na nangyayari ngayon?” giit pa ng opisyal.
Kasabay nito, binanatan ni Diño ang mga kandidatong patuloy na nagsasagawa ng mga caravan kahit mayroon pang pandemya.
Aniya, maraming restriksyon ang ipinatupad ng gobyerno para lang protektahan ang publiko mula sa COVID-19 pero tila binabalewala ito ng mga pulitiko.
“May mga responsibilidad yan, tapos papano yun, ‘yung accountability? Tandaan niyo, nagsakripisyo ang mamamayan na makulong sa bahay for 1 year and 9 months na, e ano ba naman ‘tong mga kandidato natin? Wala akong sini-sino, nilalahat ko na.”
“E bakit ang mga governor natin, di ba napakahigpit na, tatawid ka lang ng border maglalakad ka ng mga ID, maglalabas ka ng mga health protocol. Bakit exempted ba basta pulitiko ka? Exempted kapag magpapakita ka ng suporta sa kandidato mo? E muka yatang double-standard tayo d’yan,” dagdag niya.