COMELEC, pinaikli ang voters’ registration hours; satellite registration, suspendido

Paiikliin ng Commission on Elections (COMELEC) ang voters’ registration hours habang sinuspinde nila ang satellite registration sa harap ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa abiso ng poll body, mula March 22 hanggang April 4, ang lahat ng tanggapan ng Election Officer sa buong bansa ay tatanggap lamang ng applications para sa voters’ registration mula Lunes hanggang Huwebes – alas-8:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.

Ang pag-iisyu ng voters’ certification ay hanggang alas-5:00 ng hapon.


Hindi muna isasagawa ang satellite registration sa barangay halls, daycare centers, covered courts at iba pang satellite offices sa bansa.

Ang lahat ng Office of the Election Offier ay magkakaroon ng disinfection activities tuwing Biyernes.

Nagpaalala si COMELEC Spokesperson James Jimenez sa publiko na sundin ang health protocols kapag tutungo sa poll offices.

Para mabawasan ang physical contact, ang online accomplishment ng application forms at pagse-set ng appointment ay pwedeng gawin sa irehistro.comelec.gov.ph.

Facebook Comments