Hinimok ng mga senador ang Commission on Elections (COMELEC) na ipatupad agad ang kinakailangang hakbang para madiskwalipika sa pagkandidato sa 2025 elections sa alinmang posisyon sa gobyerno si dismissed Mayor Alice Guo.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, ang napaulat na plano ni Guo Hua Ping o Alice Guo na tumakbo sa public office ay isang mapangahas na pagtatangka para maliitin ang batas ng bansa.
Binigyang diin ni Gatchalian na inaprubahan ng COMELEC ang rekomendasyon ng kanilang law department na aksyunan ang paglabag ni Guo sa Omnibus Election Code bunsod ng misrepresentation o pagsisinungaling partikular na sa pagkakakilanlan at nationality nito.
Iginiit ni Gatchalian na malinaw sa batas ng bansa na bawal tumakbo sa anumang posisyon sa gobyerno ang isang banyaga.
Samantala, sinabi naman ni Senator Risa Hontiveros na maaaring madagdagan ng kasong perjury ang krimeng kinakaharap ni Guo oras na maghain ito ng kanyang Certificate of Candidacy (COC).
Punto ni Hontiveros, ang paghahain ng COC ay isang pinanumpaang dokumento at isa nanaman itong pagsisinungaling kung sasagutan ni Guo ang kanyang COC at idedeklara ang sarili bilang isang Pilipino.