Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na magiging maayos ang proseso ng paglulunsad ng automated Barangay at Sangguniang Elections (BSKE) sa October 30.
Ito ay makaraang kwestiyunin ni Senate Electoral Reforms and People’s Participation Chairperson Imee Marcos ang pagsasagawa ng pilot testing ng automated election system sa mismong araw ng BSKE.
Ayon kay Comelec Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, magsasagawa pa rin naman ang poll body ng simulation ng automated election sa 7th district ng Cavite sa Sabado bukod pa ang mock elections na gagawin bago ang halalan.
“Yung magaganap sa Sabado, ‘yon din po ‘yong balak namin sa pilot testing. At higit pa po dito, bago naman po kami mag-pilot testing, nag-stimulate po kami ng elections, may mock elections pa po kami,” ani Laudiangco sa interview ng RMN Manila.
Isasagawa ang pilot testing ng automated elections sa Barangay Poblacion at Barangay Paliparan 3 sa Dasmariñas, Cavite at sa Barangay Pasong Tamo sa lungsod ng Quezon.
Habang manual voting ang gagawin sa natitirang bahagi ng bansa.
Posible namang simulan ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) dalawang buwan bago ang halalan.
“Wala pa po tayong calendar of activities ano. Pero ang tinitingnan po natin dito, dun po sa pangkalahatan na manual elections, baka po one month o two months lang po ahead. Pero dun po sa tatlong barangay sa Dasmariñas at sa Quezon City, higit na mas maaga po ang filing ng COC d’yan sa kadahilanang kailangang maimprenta namin ang kanilang mga pangalan dun sa ating balota,” paliwanag ni Laudiangco.
“So, kung sa October po [ang BSKE] ang filing po ng COC ay maaaring pong August o July ang filing dito sa manual at maaaring July naman po dun sa ating automated system,” dagdag niya.
Noong 2018 pa huling nakapaglunsad ng BSKE sa Pilipinas.