Plano ng Commission on Elections (Comelec) na gamitin ang iba pang makina ng National Printing Office (NPO) para makapag-imprenta ng mga bagong balota.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, apat na makina ng NPO ang susubukan nilang gamitin sa pag-imprenta ng balota kung saan isasailalim muna nila ito sa pagsusuri para malaman kung kakayanin at tutugma ito sa election management system.
Dagdag pa ni Garcia, ang nasabing sistema na ginagamit ng COMELEC ay babaguhin rin nila upang makasama ang mga pangalan ng ibang kandidato.
Hindi rin makapagsagawa ng final testing at sealing ang COMELEC isang linggo bago ang eleksyon nang hindi tapos ang pag-imprenta ng balota sa buong Pilipinas.
Matatandaan na nasa 6-M na balota na unang naimprenta ang hindi na magagamit pa matapos maglabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema pabor sa kandidato na unang nadiskwalipika ng Comelec.
Ito naman ang kauna-unahang insidente sa kasaysayan ng halalan na mag-iimprenta muli ng bagong balota ang Comelec bilang pagtalima sa kautusan ng Korte Suprema.