Pinagpa-planuhan na ng Commission on Elections (COMELEC) na ilapit sa mga kababayan nating mga Indigenous People (IP) ang pagpaparehistro para makaboto sa mga susunod na halalan.
Ito ang inahayag ni COMELEC Chairman George Garcia matapos nitong bisitahin ang isang mall sa Maynila kung saan ikinakasa ang huling araw ng voters’ registration.
Ayon kay Garcia, personal niyang nakita at nakausap ang ilang mga Indigenous People sa Palawan kung saan malayo ang kanilang tahanan at nahirapan silang magtungo sa registration sites.
Dahil dito, nais ni Garcia na ilapit ang ginagawang pagpapatala sa mga kababayan nating IPs kung saan mismong ang mga tauhan ng COMELEC ang magtutungo sa kanila.
Ang naturang plano ay ilalatag ni Garcia sa susunod na voters’ registration para sa 2025 elections.
Sa kasalukuyan, nanindigan ang COMELEC na walang extension ng petsa ng ikinakasang voters’ registration para naman sa Barangay at SK Election kung saan iginiit niya na hanggang ngayong araw na lamang ito lalo na’t buwan ng December 2022 ito nasimulan.