Comelec, pumalag sa mga kritiko na nagsasabing mayroon silang sini-single-out na kandidato

Manila, Philippines – Bumuwelta ang Commission on Elections (Comelec) sa mga nagsasabing mayroon silang partikular na kandidato na pinagbabawalang mapanood sa kahit anumang programa sa telebisyon.

May kaugnayan ito sa umano’y pagpuna ng komisyon sa ipapalabas na biopic ng isa sa mga senatoriables na si dating Philippine National Police Chief Ronald Dela Rosa.

Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, wala silang sini-single-out dahil maliwanag naman sa batas na ang pagpapalabas ng biopic o kahit anong programa sa telebisyon kapag nasimulan na ang campaign period ay maituturing na itong isang klase ng pangangampanya na maliwanag na paglabag sa batas.


Aniya, sinasadya ng ilan sa kampo ng mga kandidato na sabihin na mali ang interpretasyon nila sa batas nang sa gayon ay ang komisyon ang mapuna at hindi ang maling ginagawa nila para lamang mangampanya.

Muling iginiit ng opisyal, walang kinakawawang kandidato ang poll body kung sila ay susunod sa batas.

Sa Pebrero 12 ay simula na ng kampanya sa national positions lalo na sa pagka-senador at party list.

Facebook Comments