Pumalag ang Commission on Elections (Comelec) sa payo ni Vice President Leni Robredo sa publiko na tanggapin ang pera sa vote buying pero bumoto ng naaayon sa konsensiya.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, maituturing pa ring paglabag sa batas ang vote buying kaya hindi ito dapat ginagawa at ipinapayo sa mga botante.
Sa ilalim ng Omnibus election code, una sa listahan ng election offenses ang vote buying pati na ang vote selling.
Mahaharap dito ang sinumang bumibili ng boto at kanilang kasabwat para gawin ito.
Damay rin ang sinumang humingi o tumanggap ng halaga o alok para rito.
Oras na mapatunayan, mahaharap ang nagkasala sa pagkakulong ng isa hanggang anim na taon.
Maaari rin siyang ma-disqualify mula sa public office at maaaring mawalan ng karapatang bumoto.