COMELEC, sinagot ang isyu ng hindi pagpapasok ng observers sa printing ng mga balota

Dumipensa ang Commission on Elections (COMELEC) sa reklamo ng kampo ni Leni Robredo na hindi pinapasok ang kanilang mga tauhan na mag-obserba sa pag-iimprenta ng balota sa National Printing Office.

Sa pulong balitaan matapos ang NPO walk through, nilinaw ni Printing Committee Head Comm. Marlon Casquejo na hindi nila tinanggihan ang request ng kampo ni Robredo at ipinaliwanag nila sa kanilang sagot sa liham ang sitwasyon sa loob ng NPO.

Ani Casquejo, nagkaroon ng COVID-19 surge sa NPO simula noong January dahilan upang hindi sila nagpapasok ng iba’t ibang stakeholders na makapag-obserba dahil sa nagkaroon ng impeksyon ng COVID sa ilang tauhan ng NPO.


Aniya, first week na lang ng Marso nang muling bumalik sa normal ang production ng balota.

Sa tanong naman na bakit kahit ang live streaming ang proseso ng printing ay hindi naisagawa, sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na hindi pag-aari ng NPO ang equipment at may pinaggagamitan noon sa livestreaming.

Hindi naman aniya dapat magduda sa integridad ng printing process dahil may nakatutok na CCTV camera sa yugto ng mga proseso.

Kanina, inanunsyo ni COMELEC Chairman Saidamen Pangarungan na bukas ay papayagan na ang mga observer sa viewing ng printing ng mga balota.

Pero dahil sa limited space, kinakailangang magpa-accredit ng observers.

Facebook Comments