Sinuspendi ng Commission on Election o Comelec ang botohan para sa pagka-kongresista sa una at ikalawang distrito ng Southern, Leyte sa Mayo.
Batay sa Comelec En Banc Resolution no. 10513, hindi magsasagawa ng congressional election sa dalawang legislative district sa Mayo dahil sa present configuration ng electoral data para sa line district ng Southern, Leyte.
Paliwanag ng Comelec, ang present configuration ng electoral data ay hindi maaaring rebisahin para sa eleksyon sa Mayo ng walang magiging epekto sa paghahanda sa halalan para sa ibang posisyon.
Anila, ang mga boto para sa pwesto sa Kamara mula sa dalawang distrito ng Southern, Leyte ay hindi bibilangin.
Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero ang Republic Act 11198 na naghahati sa lone legislative district ng Southern, Leyte sa dalawang legislative district.
Pagtitiyak naman ng poll body, tuloy pa rin ang botohan para sa senador, partylist representative at mga lokal na posisyon sa Southern, Leyte.
Habang itutuloy rin ang botohan para sa Southern, Leyte representative anim na buwan pagkatapos ng May 13 election.