Comelec, sisiguraduhin na walang makalulusot na pera mula sa POGO na magagamit sa halalan

Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na gagawin nila ang lahat para walang makalusot na pera mula sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO at magamit sa nalalapit na eleksyon.

Nabatid na isa ang POGO politics sa pinangangambahan ngayong malapit na ang May 2025 elections.

Ipinaliwanag ni Comelec Chairman George Garcia na nasa poder ito ng law enforcement agencies pero sa panig naman ng Comelec ay gagawin naman nila ang lahat ng pamamaraan para hindi malusutan.


Matatandaan na sa nadiskubreng POGO hub sa Porac, Pampanga, may mga lumutang na mga pangalan na sinasabing nakinabang sa POGO.

Kaugnay nito, unang itinanggi ni Porac Mayor Jing Capil na may kaugnayan siya sa POGO at hindi siya nakinabang dito lalo na nung panahon ng eleksyon.

Handa ang alkalde na linisin ang kaniyang pangalan sa nasabing isyu tulad ng naging paninidigan ng kapwa niya Poraqueño na si Sen. Lito Lapid kung saan umani siya ng papupuri sa senador dahil sa magandang pamamalakad nito sa bayan.

Tiniyak din ng alkalde na handa siyang humarap muli sa Senado para patunayan na mali ang mga paratang laban sa kanya saka iginiit na hindi nila binigyan ng permit ang Lucky South 99 Corporation.

Facebook Comments