COMELEC, sisimulan na ang paghahatid ng mga suplay ng automated election system para sa 2022 elections

Sisimulan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang paghahatid ng mga suplay ng automated election system sa iba’t ibang rehiyon sa buong bansa.

Sa pahayag ni COMELEC Spokesman Director James Jimenez, ngayong umaga ay isa-isa nang isinasakay sa mga truck ang mga election material at suplay na gagamitin sa 2022 national and local elections.

Kabilang dito ang mga vote counting machine, ballot box at iba pang gamit para sa gagawing automated election system.


Sinabi pa ni Jimenez na inaasahan nilang matatapos ang pagkakarga ng mga gagamitin sa halalan mamayang hatinggabi.

Mula sa kanilang warehouse, magtutungo ang mga delivery truck sa itinalagang mga warehouse ng COMELEC sa iba’t ibang lalawigan sa buong bansa.

Kaugnay nito, inimbitahan ng COMELEC ang mga representative ng political party, stake holders at media para saksihan ang pagseselyo ng mga truck sa kanilang warehouse sa Sta. Rosa, Laguna.

Facebook Comments