Malabo nang magkaroon pa ng special elections para sa kapalit ni Senator Sonny Angara.
Ito ay matapos siyang italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Sa pulong balitaan kanina, sinabi ni Commission on Elections o Comelec Chairman George Garcia na masyado nang maikli ang panahon at malaki ang gastos sakaling magkaroon pa ng special election para sa senatorial seat.
Nasa P13 bilyon aniya ang kakailanganin dahil sa national level ang posisyon at kailangan ding bumoto ang mga Pilipino sa ibang bansa.
Dahil dito, posibleng hintayin na lamang ang 2025 elections kung saan 12 senador pa rin ang pagbobotohan dahil patapos na rin naman ang termino ni Angara.
Pero sabi ni Garcia, depende pa rin ito kung Senado mismo ang magpapatawag ng special election.
Mauupo si Angara bilang kapalit ni Vice President Sara Duterte sa July 19.