Apektado ng tapyas sa budget ng Commission on Elections (Comelec) ang gaganaping 2025 National at Local Elections (NLE) at 2025 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Idinulog ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia sa Senate Committee on Finance ang higit P14.277 billion na ibinawas sa panukalang pondo ng komisyon para sa susunod na taon.
Aniya, nasa mahigit P49 billion ang proposed 2025 budget para sa Comelec pero ibinaba ito sa mahigit P35 billion sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).
Sa mahigit P14 billion na tinapyas sa COMELEC budget, P3.62 billion dito ay inalis sa pondo para sa May 2025 NLE habang P8.299 billion naman ang ibinawas na halaga para sa BSKE sa December 2025.
Tinukoy ni Garcia na pinakamalaking tinamaan ang BSKE dahil nawala na ang pondo para sa support staff at hindi rin kasama sa budget ng BSKE ang P2,000 na honorarium para sa mga guro.
Samantala, mayroon namang nakapaloob na allowance para sa mga guro sa ilalim ng NLE pero sa kalahati naman ng higit tatlong bilyong pisong tapyas dito, P1.4 billion ang para sana sa training ng mga guro at ang natitirang balanse sa ibinawas na pondo ay para naman sana sa forms at supplies at voters’ education.