Muling nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na hindi magiging sapilitan ang paglahok sa debate ng mga presidential at vice presidential candidates.
Ayon kay Comelec Director Elaiza Sabile-David, hindi naman maituturing na election offense ang hindi nila pagsali sa debate.
Gayunman, maaaring maging kawalan din ito sa mga kandidato dahil magandang oportunidad aniya ang debate para maiparating din sa publiko ang kanilang mga plataporma.
“Lahat po ng kandidato, iimbitahan, kung for some reason hindi po sila makakapunta e hindi naman sila pipilitin,” saad ni David sa panayam ng RMN Manila.
“Kumbaga, it’s a lost opportunity din po for them na maipahayag yung kanilang plataporma, naipakilala nila nang mabuti ang kanilang mga sarili sa mga botante. At syempre ‘pag hindi sila sumipot, magkakaroon nga po ng hindi magandang impresyon sa kanila ang ating mga botante,” aniya pa.
Samantala, tiniyak din ng Comelec na mai-imprinta nila sa tamang oras ang mahigit 67 milyong balota na gagamitin sa eleksyon sa Mayo.
Sabi ni David, hindi na nila hihintayin ang desisyon hinggil sa mga pending na petisyon sa halip ay itutuloy na nila ang pag-iimprenta.
“Nire-ready na po ‘yung mga printers na kailangan natin,” ani David.
“Yun pong mga pending cases na po na ‘yan… the printing is not dependent on them na kailangan pong hintaying matapos dahil alam naman po natin na hindi natin kontrol kung kailan talaga magkakaroon ng desisyon.”
“So, definitely, yung names po na may mga pending cases pa, kahit ano posisyon po yan, nandon na yung pangalan nila sa balota,” paliwanag ni David.