Sasampolan ng Commission on Elections (Comelec) ang ilang pasaway na kandidato na sangkot sa premature campaigning at vote buying.
Sa Presscon sa Kampo Krame, sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chair George Erwin Garcia nasa halos 6,000 na ang naitatala nilang premature campaigning at sa nasabing bilang 1,300 ang sumagot na sa kanilang show cause order.
Aniya, 96 na mga kandidato ang may nakabinbing disqualification cases kung saan kanila itong reresolbahin bago sumapit ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.
Ibig sabihin mayroong mga kandidato ang madidiskwalipika sa pagtakbo sa halalan.
Kanina, nilagdaan din ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Commission on Elections ang memorandum of agreement upang labanan ang pagbili at pagbebenta ng mga boto.
Sa ilalim ng kasunduan, magsasagawa ang DILG at COMELEC ng pagsasanay upang ituro ang pagtukoy sa mga paraan ng pagbili at pagbebenta ng boto at pangangalaga ng ebidensya.
Magsasagawa rin ang dalawang ahensya ng information campaign para sa kamalayan ng publiko.