Wala umanong magiging epekto sa isasagawang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections bukas ang pagsunog sa tatlong magkakahiwalay na paaralan sa Lanao del Norte at Maguindanao.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, hindi kasi gagamitin bilang polling precinct ang mga sinunog na silid-aralan kaya wala itong epekto sa pagboto ng mga botante bukas.
Aniya, bagama’t nasa loob ng compound ng paaralan ang naturang mga gusali, mistulang nagkamali umano ang mga sumunog sa eskwelahan dahil hindi ito ang gagamiting presinto sa halalan.
Sa kabila nito, tuloy-tuloy ang ginagawang imbestigasyon ng komisyon sa tatlong magkakahiwalay na insidente ng sunog sa tatlong paaralan.
Una na ring sinabi ng poll body na tinitingnan nila ang anggulo ng arson kung electrical connection nga ba ang dahilan ng pagkasunog ng paaralan sa Lanao del Norte at ano ang dahilan naman ng pagkasunog ng paaralan sa Maguindanao.
Dakong ala-1:50 ng madaling araw umano kahapon nang maganap ang sunog sa Ruminimbang Elementary School sa may Brgy. Ruminimbang, Barira, Maguindanao at natupok ang ilang silid-aralan mula Grade 1 hanggang Grade 4 ng naturang paaralan at wala namang naiulat na nasawi sa insidente.
Maalalang nasa “red category” o “election area with grave concern” ang Brgy. Ruminimbang at posibleng may kaugnayan ang panununog sa darating na Barangay at SK Elections 2023.
Samantala banda ala-4:00 naman ng madaling araw ng kaparehong araw natupok din ng apoy ang Dalican Pilot Elementary School sa may Poblacion, Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Sur.
Binuhusan umano ng tatlong galon ng gasolina ang mga gusali ng mga hindi pa nakikilalang suspek dahilan para tuluyang matupok ang dalawang silid-aralan at isang school canteen.