Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) ang tuloy-tuloy na paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre.
Sa kabila ito ng sunod-sunod na insidente ng pag-atake sa mga local officials.
Ayon kay COMELEC Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, bagama’t pulitika ang isa sa mga anggulong tinitingnan ng mga awtoridad ay wala pa namang kumpirmasyon na may kaugnayan sa nalalapit na BSKE o sa nagdaang halalan ang mga insidente ng pamamaril at pagpatay sa mga opisyal.
“Ang kagandahan po dito kasi, ang COMELEC po, patungkol sa mga eleksyon na nabanggit ko ay tuloy-tuloy ang paghahanda namin. In fact, weekly po, kami po ay meeting sa Philippine National Police at sa Armed Forces of the Philippines dahil gusto naming tuloy-tuloy na sundan yung napakagandang resulta ng 2022 elections na bumaba sa 23 lamang ang election-related violence,” saad ni Laudiangco sa interview ng DZXL.
Samantala, ayon kay Laudiangco, higit 90% na silang handa para sa Barangay at SK Elections.
Isandaang porsiyento na rin aniyang naimprenta ang nasa mahigit 91 milyong mga balotang gagamitin para sa halalan.