Umaapela ang Commission on Elections (COMELEC) sa publiko na magparehistro ngayong holiday season upang maiwasan ang mahabang pila at pagdagsa sa mga huling araw ng voters’ registration.
Ayon kay COMELEC Spokesperson Rex Laudiangco, mababa pa rin ang bilang ng mga nagpaparehistro hindi lamang sa mga regular na registration kundi pati na rin sa Register Anywhere Project (RAP).
Sa tingin ng COMELEC, maaring abala pa ang publiko sa mga huling pagtitipon para sa Kapaskuhan pero sa kabila nito ay araw-araw silang mananawagan na sana ay makapag-parehistro na ang mga nais bumoto.
Giit ng COMELEC, bigyan rin sana ng prayoridad ang pagpaparehistro para hindi sila maabala sa siguradong pagdami ng magpapatala sa Enero.
Gayunman, tulad ng nabanggit ni COMELEC Chairman George Garcia, kapuna-puna na lahat ng registration sites maging sa register anywhere project ay maayos ang pila at mabilis ang proseso.
Idinagdag naman ni Laudiangco na titigil lamang ang registration sa bisperas ng Pasko, sa mismong Pasko at sa bisperas ng Bagong Taon at sa Enero 1.