COMELEC, wala nang nakikitang dahilan para hindi matuloy ang Barangay at SK Elections

Walang nakikitang anumang dahilan pa ang Commission on Election (COMELEC) para hindi matuloy ang nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023.

Ito’y matapos na maglabas ang Korte Suprema na unconstitutional o labag sa batas ang pagpapaliban ng nasabing halalan na unang itinakda noong December 5, 2022 subalit inilipat ng October 30, 2023.

Sa inilabas na pahayag ni COMELEC Chairman George Garcia, ang inilabas na desisyon ng Korte Suprema ay bilang patnubay na rin sa panig ng Kongreso para sa mga susunod na eleksyon.


Aniya, bagama’t may mandato ang COMELEC sa pagtatakda ng halalan, sumusunod lamang sila sakaling may apela o naipasang panukala ang Kongreso.

Pero dahil ang Kataas-taasang Hukuman na ang naglabas ng desisyon, tuloy na tuloy na ang eleksyon sa Barangay at Sangguniang Kabataan sa buwan ng Oktubre.

Sa kasalukuyan, nasa 95% ng handa ang COMELEC para sa naturang halalan.

Facebook Comments