Anumang araw ay maaari nang magsumite ng Statement of Contribution and Expenditures (SOCE) ang lahat ng mga kumandidato nitong 2022 local and national elections.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia, may hanggang Hunyo 8 ang mga kandidato na maghain ng kanilang SOCE maging ang mga nag-withdraw sa panahon ng kampanya.
Paglilinaw ng poll body, hindi na nito palalawigin pa ang deadline sa paghahain ng SOCE.
Ang mga mabibigong maghain ng SOCE ay maaaring patawan ng perpetual disqualification sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Habang pahaharapin ng Comelec sa kasong criminal ang mga hindi magdedeklara nang tama na itinuturing na election offense.
Samantala, pagkatapos ng huling proklamasyon kahapon ay sinimulan na rin ng Comelec ang kanilang assessment at pagtugon sa mga naging problema noong araw ng eleksyon.
Una na ring sinabi ng Comelec na sa Hunyo ay sisimulan na rin nila ang paghahanda para sa Barangay at SK elections na isasagawa naman sa Disyembre 2022.