COMELEC, walang planong ipagpaliban ang 2022 national at local elections

Walang nakikitang rason ang Commission on Elections para ipagpaliban ang 2022 national at local elections kahit pa may pandemya.

Sa interview ng RMN Manila kay COMELEC Spokesman James Jimenez, binigyan diin nito na naghahanda ang poll body sa 2022 elections kahit hindi pa available ang COVID-19 vaccine sa mga panahon na iyon.

Ayon kay Jimenez, maraming paraan para matuloy ang national elections sa taong 2022 kung saan kabilang rito ang pagpapalawig ng alternative voting at pagsasagawa ng dalawang araw na botohan upang matiyak ang physical distancing sa mga polling precincts.


Ganito rin aniya ang mangyayari sa filing ng Certificates of Candidacy sa 2021 o maaring isagawa sa magkakaibang petsa ang paghahain ng kandidatura ng mga tatakbo sa halalan.

Una nang ipinanukala ni House Deputy Majority Leader at Pampanga Rep. Mikey Arroyo ang ideyang ipagpaliban ang national elections dahil maaaring wala pang bakuna laban sa COVID-19 bago matapos ang taong 2021.

Sa interview ng RMN Manila, nilinaw ni Rep. Arroyo na nais niyang matuloy ang halalan sa 2022, pero dapat mayroong safety nets na ilalatag ang COMELEC.

Facebook Comments