Manila, Philippines – Nangangamba ang ilang non-government organization na baka alisin ang ‘marker’ ng comfort woman na inilagay sa Roxas Blvd. sa Maynila.
Ito ay matapos kuwestyunin ito ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagsabing posible itong makakasama sa relasyon ng Japan at Pilipinas.
Sa pulong balitaan sa Quezon City, sinabi ni Gabriela Partylist Representative Arlene Brosas na hindi makatwiran na hadlangan ito ng DFA dahil inaprubahan ito ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP).
Wala aniyang dapat ipaliwanag ang paglalagay ng marker dahil naging bahagi na ito sa kasaysayan ng Pilipinas at buong daigdig.
Alay din ito sa mga lola na dumaranas ng pang-aabuso ng mga Hapon sa panahon ng digmaan at sa pagnanais ng sangkatauhan para sa kapayapaan at proseso ng paghilom ng mundo at upang hindi na maulit pang muli.
Dagdag pa ng kongresista maraming bansa na rin tulad Ng South Korea, China, Taiwan, Canada at United States ang nagtayo na rin ng comfort women memorials na hindi naman naapektuhan ang relasyon sa Japan.