Comfort women at pamilya ng mga ito, pinababayaran ng danyos mula sa pamahalaan

Isinusulong ni Senator Risa Hontiveros na bayaran ng gobyerno ng makatwiran na reparations o kabayaran ang mga ‘comfort women’ o mga babaeng naging biktima ng sekswal na pang-aabuso noong World War 2 at ang kanilang mga pamilya.

Sa Senate Resolution 539 na inihain ni Hontiveros, tinukoy na lubhang atrasado na ang danyos para sa mga biktima kung saan ang ilan ay namatay na at ang iba ay nasa ‘twilight years’ na nila.

Hinihimok ng resolusyon ang pamahalaan na agad na tuparin ang obligasyon nito sa ilalim ng kautusan ng Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women (CEDAW) at ibigay na ang nararapat na kompensasyon o kabayaran para sa dinanas ng mga ‘comfort women’ at ng kanilang pamilya.


Ang paghahain sa resolusyon ay kasunod na rin ng report kung saan tinukoy na hindi tumupad ang Pilipinas sa obligasyon nito na labanan ang diskriminasyon sa mga babae dahil hindi tinulungan na makakuha ng katarungan at kompensasyon ang mga biktima ng sexual abuse noong panahon ng ikalawang pandaigdigang digmaan.

Ang obligasyong ito ng bansa ay nakapaloob sa tratado na CEDAW kung saan lumagda ang Pilipinas.

Sa hiwalay naman na report ng United Nations Office of the High Commissioner for Human Rights, bukod sa bayad danyos ay iginiit din dito na dapat humingi ng paumanhin ang Japanese Government para sa naging pagdurusa ng mga comfort women.

Facebook Comments