Dinipensahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatalaga niya kay Commander Bravo bilang isa sa mga itinalagang interim officials ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Matatandaan na inanunsiyo kahapon ni Pangulong Duterte na itinalaga niya si Moro Islamic Liberation Fron o MILF Chairman Al Haj Murad Ibrahim bilang interim Chief Minister ng BARMM at sinabi ng Pangulo na kumpleto na ang 80 miyembro ng Bangsamoro Transition Authority at kabilang dito si Commander Bravo.
Ayon kay Pangulong Duterte, si Bravo ay isang revolutionary leader at malaki na ang tiniis at sinakripisyo nito sa ngalan ng kapayapaan sa Mindanao tulad ng mga sundalo at ng mga pulis.
Sinabi pa ng Pangulo na itinalaga niya si Bravo para sa tunay na kapayapaan.
Matatandaan na si Commander Bravo o Abdulla Macapaar ang nanguna sa pagsalakay sa North Cotabato at sa Lanao del Norte noong 2008 natapos hindi katigan ng Korte Suprema ang pagkakaroon ng Moro Sub-state sa Mindanao.
Tiniyak din naman ni Pangulong Duterte sa mga taga Bangsamoro na buong suporta ang ibibigay ng kanyang administrasyon sa rehiyon upang maging matagumpay ang rehiyon at makamit na talaga ang tunay at pangmatagalang kapayapaan sa lugar.